Layon ngayon ng National Bureau of Investigation (NBI) na imbestigahan kung may pasimuno o tao sa likod ng pagpapakalat ng ‘fake news’ sa Pilipinas.

Ayon kay Jaime Santiago, NBI Director, layong tuklasin ng ahensiya kung may mga taong nag-uudyok sa mga vloggers na magpakalat ng maling impormasyon, at kung bakit ganito ang tema ng mga content nila.

Nakipag-ugnayan na umano ang NBI sa Department of Information and Communications Technology (DICT) at National Telecommunications Commission (NTC), at nakalista na ang hindi bababa sa 20 vloggers na iniimbestigahan.

Dagdag pa ni Santiago na pinag-aaralan rin ng NBI ang mga maling impormasyon na karaniwang nakatuon sa mga isyung pampulitika, kabilang na ang mga akusasyon laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte at mga atake sa mga opisyal ng gobyerno.

Binibigyang-diin ni Santiago na mahalaga para sa ahensiya ng NBI ang balanse ng kalayaan sa pagpapahayag at ang pangangailangang pigilan ang mga gawaing may masamang epekto sa publiko, tulad ng pagpapakalat ng pekeng balita.

-- ADVERTISEMENT --

Pahayag naman ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, ang pekeng balita ay maaaring magdulot ng kaguluhan at takot sa lipunan, kaya’t isang mahalagang hakbang ang pagpapahayag ng katotohanan.

Ayon din kay Santiago, bagamat iginagalang nila ang kalayaan sa pagpapahayag, kailangan din ng legal na aksyon kapag lumampas na sa hangganan ang mga aksyon ng mga indibidwal.

Samantala, nagpahayag ng concern ang Commission on Human Rights (CHR), na nagbabala tungkol sa posibleng paglabag sa kalayaan ng pagpapahayag ng mamamayan, kasunod ng pag-aresto ng isang vlogger noong Marso 21, na umamin na siya ay binayaran upang mag-post ng maling impormasyon.