
Iniimbestigahan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang mga ari-ariang iniuugnay kay Vice President Sara Duterte at sa kaniyang pamilya kasunod ng alegasyon ng dating pulis na si Rodulfo Gracioso Jr. na naghatid siya ng pera sa mga Duterte.
Ayon kay NBI Director Melvin Matibag, sinusuri ng ahensya kung ang perang umano’y inihatid ay ginamit sa pagbili ng mga lupa at pagpapaunlad ng mga resort, hotel at iba pang real estate property.
Sinabi ni Matibag na natukoy ng NBI ang 14 na ari-ariang nakatala sa Statements of Assets, Liabilities and Net Worth o SALN ni Duterte. Kabilang dito ang lupang pang-agrikultura sa Barangay Catigan na idineklara umanong nagkakahalaga ng ₱437,000 hanggang ₱450,000, ngunit ayon sa opisyal, may resort sa lugar na hindi umano nakasaad sa deklarasyon bilang improvement.
Inilahad din ng NBI ang isang ari-arian sa Samal na sinasabing nagkakahalaga ng ₱1 milyon at iniuugnay kay Davao City Representative Paolo Duterte. Ayon kay Matibag, isusumite ng ahensya sa Department of Justice o Office of the Ombudsman ang resulta ng imbestigasyon.
Itinanggi ni Sara Duterte ang mga alegasyon laban sa kaniya. Hinamon naman ni Paolo Duterte si Matibag na magharap ng konkretong ebidensya sa halip na umasa sa mga larawan at pahayag. Iginiit niyang dapat mapatunayan ang mga paratang bago ito ituring na totoo.










