Inihayag ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Senate impeachment court na lumabas sa kanilang imbestigasyon na may intensyon, motibo at kakayahan si Vice President Sara Duterte na isakatuparan ang umano’y mga banta laban kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez.

Sa pagtestigo ni NBI Regional Director for the Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) Atty. Jeremy Lotoc, sinabi nitong sinuri ng NBI ang mga pahayag ni VP Sara sa online press conference noong Nobyembre 23, 2024, pati na rin ang iba pa nitong mga naging pahayag. Aniya, nakakita rin ang ahensya ng naunang pahayag ng bise presidente noong Oktubre 18, 2024 kung saan umano’y nagbanta ito laban sa Pangulo.

Samantala, sinabi ni counsel for the prosecution Atty. Amando Virgil Ligutan na layunin ng prosekusyon na patunayan na nagdeklara si VP Sara na nagtalaga siya ng isang tao upang patayin ang Pangulo, ang Unang Ginang at si Martin Romualdez, at na itinuring ng NBI na seryoso at kapani-paniwala ang mga umano’y pagbabanta. Ayon din kay Atty. Lotoc, agad na sinimulan ng NBI ang imbestigasyon noong araw ding ginawa ang naturang online press conference at inatasan ang mga imbestigador na pangalagaan ang mga digital na ebidensya.