
May sinusundan nang lead ang National Bureau of Investigation (NBI) kaugnay sa umano’y banta laban kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating Speaker Ferdinand Martin Romualdez.
Ayon kay NBI Director na si Melvin Matibag, hindi muna ilalabas ang detalye ng lead habang nagpapatuloy ang imbestigasyon, pero ibabahagi ito sa tamang oras.
Kinumpirma rin ni Matibag na dadalo ang NBI sa susunod na pagdinig ng House Justice committee kaugnay sa isyu. Nakaiskedyul ang hearing sa April 29 matapos maglabas ng subpoena ang komite para isumite ang resulta ng imbestigasyon.
Nag-ugat ang isyu sa pahayag ni Bise Presidente Sara Duterte noong 2024 kung saan nabanggit umano ang banta laban sa Pangulo, First Lady, at kay Romualdez. Kalaunan, nilinaw ni Duterte na hindi ito direktang banta kundi bahagi ng kanyang pahayag tungkol sa sariling seguridad.
Sa ngayon, patuloy pa ang imbestigasyon ng NBI habang hinihintay ang mga susunod na hakbang sa kaso.









