Sinabi ng National Bureau of Investigation (NBI) na may sapat na umano itong ebidensiya kaugnay ng sinasabing “honeytrap” plot na naglalayong isangkot o i-frame si Executive Secretary Ralph Recto.

Ayon kay NBI Director Melvin Matibag, inaasahang matatapos na ng bureau ang imbestigasyon at maaari itong maglabas ng resolusyon kaugnay ng kaso pagsapit ng susunod na linggo.

Sinabi ni Matibag na inihahanda na rin ng NBI ang mga kasong maaaring isampa batay sa mga nakalap na ebidensiya. Kung hindi naman sapat ang batayan para magsampa ng kaso, maglalabas umano ang bureau ng kaukulang resolusyon.

Kaugnay nito, dati nang nagpadala ang NBI ng subpoena kay Batangas Representative Leandro Leviste, dating mambabatas na si Jacinto Paras at apat na abogado.

Humaharap na sa NBI ang kampo ni Leviste at itinanggi ang pagkakasangkot sa umano’y plano. Samantala, sinabi naman ng kampo ni Paras na kusang lumapit sa kanila ang isang umano’y talent manager upang tumestigo at humingi ng tulong sa paggawa ng affidavit.

-- ADVERTISEMENT --

Matatandaang ilang indibidwal ang nasagip ng mga operatiba ng NBI sa isang entrapment operation. Ayon sa bureau, sinabi umano ni Paras sa mga ito na babayaran sila upang gumawa ng isang kuwento at lumagda sa affidavit, na ibibigay umano nang hulugan habang umuusad ang kaso.