
Nagsagawa ang NBI Laguna District Office ng inspeksyon sa isang farm sa San Pablo na sinasabing pagmamay-ari ng isang pulitiko dahil sa impormasyon na nagtatago doon ang pugante na si Atong Ang.
Pumunta ang NBI sa nasabing farm para hanapin si Ang, na nahaharap sa kasong kidnapping at serious illegal detention may kaugnayan sa pagkawala ng ilang sabungeros.
Gayunman, sinabi ni Barangay Chairman Maximo Castillo, wala sa nasabing lugar si Ang at hindi rin umano siya kailanman pumunta sa farm.
Sinabi ni Castillo na sa kanyang pagkakaalam, ang farm ay pagmamay-ari ni Congressman Sonny Lagon.
Pinabulaanan din ni Castillo na may lumapag kamakailan na helicopter sa nasabing farm.
Sinabi pa niya na ang nasabing farm ay tinatayang may lawak na 100 hectares at inaalagaan dito ang mga panabong na manok.
Matatandaan na idinawit ni whitsleblower Julie “Dondon” Patidongan si Lagon, isang sabungero, na kasama sa grupo na nakipagkita kay Ang at pinag-usapan ang mga issues may kaugnayan sa mga nawawalang sabungero.
Mariing pinabulaanan ni Lagon ang alegasyon, at sinabing wala itong basehan, malisyoso at paninira.
Iginiit ni Lagon na walang nangyaring pulong kay Ang at nanindigan na ang kanyang pagkakasangkot sa sabong o e-sabong activities ay legal.
Itinuturing ngayon si Atong Ang na “no.1 most wanted” sa bansa, at may patong sa ulo na P10 million.







