
Nagsagawa ng search operation ang National Bureau of Investigation (NBI) sa hotel room sa Baguio City kung saan huling nanuluyan ang dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Undersecretary na si Maria Catalina Cabral bago ang kanyang misteryosong pagkamatay.
Ayon sa NBI Cordillera, isinagawa ang operasyon sa bisa ng search warrant na inisyu ng Regional Trial Court–Baguio City Branch 6. Layunin ng paghahalughog na makakalap ng mga dokumento at iba pang ebidensiyang makatutulong sa paglinaw ng mga pangyayari kaugnay ng pagkamatay ni Cabral.
Natagpuang patay si Cabral noong Disyembre 19 matapos iulat na nawawala sa bahagi ng Kennon Road sa Tuba, Benguet. Ayon sa pulisya, natagpuan ang kanyang katawan sa tabi ng Bued River, may 20 hanggang 30 metro sa ibaba ng highway, ilang oras matapos niyang ipababa ang sarili sa kanyang driver.
Batay sa resulta ng autopsy, namatay si Cabral dahil sa blunt force trauma na tugma sa pagkahulog. Gayunman, patuloy pa ring iniimbestigahan ng mga awtoridad ang lahat ng anggulo, kabilang ang posibilidad ng suicide o iba pang salik.
Nanawagan din ang mga awtoridad sa mga motorista na dumaan sa Kennon Road noong Disyembre 18 na magsumite ng anumang dashcam footage na maaaring makatulong sa imbestigasyon, sa gitna ng lumalawak na espekulasyon ng publiko.









