Tuguegarao City- Pansamantala munang hindi tumatanggap ng NBI Clearance registration ang National Bureau of Investigation (NBI) region 2 bilang bahagi ng implimentasyon sa paglaban sa banta ng COVID-19.
Sa panayam kay Atty. Gelacio Bonggat, Regional Director ng nasabing tanggapan, ito ay bilang pagtalima sa kautusan ng national agency upang maiwasan ang pagdagsa ng tao at hindi malabag ang ipinatutupad na social distancing.
Ayon sa kanya, tatagal ang naturang suspensyon sa pagtanggap ng mga aplikante hanggat walang direktiba mula sa kanilang national agency.
Ngunit, inihayag naman ng opisyal na bukas ang kanilang mga tanggapan sa pagtanggap ng mga reklamo ng publiko lalo na sa mga iligal na gawain.
Samantala, patuloy aniya ang monitoring ng NBI Region 2 sa mga opisayal ng mga barangay na may paglabag sa pagtukoy sa mga beneficiaries ng Social Amelioration Program (SAP).
Giit nito ay patuloy ang kanilang pakilkipag-ugnayan sa DSWD upang maberipika ang mga sumbong na natatanggap nila kasama na ang mga nakatanggap ng ayuda ngunit hindi pasok sa kwalipikasyon.
Sa ngayon ay tiniyak naman ng direktor na kaisa ang kanilang tanggapan sa pagpapatupad ng mga guidelines upang labanan ang banta ng COVID-19 pandemic.