Pansamantalang sinuspinde ng National Bureau of Investigation (NBI) Region 2 ang pagproseso ng kanilang NBI clearance matapos isailalim sa temporay lockdown ang tanggapan na sinimulan nitong ika-12 ng Hulyo hanggang Biyernes, July 16.
Ayon kay Regional Director Gelacio Bonggat ng NBI Region 2, dalawang empleyado ang nagpositibo sa virus matapos na sumailalim sa PCR test habang ngayong Linggo rin malalaman ang resulta ng swab test ng mga close contact.
Bukod dito, ipinagpaliban rin ang mga nakatakdang operasyon ng tanggapan ngayong Linggo hanggang sa susunod na Linggo dahil naka-quarantine pa ang ilan sa kanilang mga agents.
Gayunman, tuloy pa rin naman ang trabaho sa NBI sa pamamagitan ng skelatal workforce at maaari namang pumunta ang mga naka-schedule ngayong Linggo para kumuha ng clearance o kung may mga idudulog na reklamo.
Ang mga aplikante naman para sa clearance na apektado ng ilang araw na suspensyon ng clearance operation ay maaaring magtungo sa iba pang mga satellite office ng NBI sa Ilagan City, Isabela at Tabuk City, Kalinga upang makakuha ng kani-kanilang clearance.