Inamin ng National Bureau of Investigation (NBI) na wala itong napatunayang impormasyon hinggil sa umano’y taong inatasan ni Vice President Sara Duterte upang patayin sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez.

Sa ikaapat na araw ng impeachment trial, sinabi ni NBI-BARMM Regional Director Atty. Jeremy Lotoc na sinubukan nilang tukuyin ang pagkakakilanlan ng umano’y hitman sa pamamagitan ng pangangalap ng impormasyon mula sa mga taong may personal na kaalaman sa online press conference ni Duterte noong Nobyembre 23, 2024.

Gayunman, wala aniyang nakuha ang NBI na validated o kumpirmadong impormasyon na maaaring magsilbing batayan ng hiwalay na imbestigasyon.

Sa pagtatanong ni Senator-judge Bam Aquino, iginiit ni Lotoc na seryosong tinrato ng NBI ang naging pahayag ng Bise Presidente dahil ito ay nagmula sa ikalawang pinakamataas na opisyal ng bansa.

Ayon pa sa kanya, naniniwala ang NBI na may nakausap na si Duterte bago pa isinagawa ang naturang online press conference batay sa mismong naging pahayag nito.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, mariing itinanggi ng kampo ni VP Duterte ang alegasyong may kinontrata siyang hitman.

Ayon sa defense panel, maghahain sila ng mga ebidensiya at testigo upang pabulaanan ang paratang, kabilang ang umano’y “Operation Romanov” assassination plot laban sa Bise Presidente at sa kanyang pamilya.

Idinagdag din ni Lotoc na wala ring napatunayang impormasyon ang NBI hinggil sa umano’y banta laban kay Duterte kaya wala silang naihandang rekomendasyon kaugnay nito.