Muli na namang nakahuli ang Cagayan PNP ng mga nananamantala sa presyo ng mga construction materials ngayong nasa ilalim ng General Community Quarantine ang probinsiya.
Nabatid na isinagawa ng Piat Police Station ang entrapment operation, katuwang ang Department of Trade and Industry matapos matanggap ang sumbong kaugnay sa pagbebenta ng overpriced na semento ng isang hardware store.
Sa naturang operasyon, nahuli sa aktong nagbebenta ng overpriced na semento nang tanggapin ng kahera na si Dorothy Simeon ang P560 marked money para sa dalawang piraso ng semento na mas mataas sa Suggested Retail Price o SRP na P240 lamang para sa isang brand ng semento.
Bagamat wala ang may-ari ay kasama rin sa kinasuhan sa pamamagitan ng regular filing ang may-ari nito na si Romarico Pagulayan.
Hindi rin nagbibigay ng resibo ang naturang hardware store at isinulat lamang sa kapirasong papel ang halaga ng kabayaran para sa nabiling mga semento.
Paglabag naman sa umiiral na R.A. 11469 o Bayanihan Heal as One Act, R.A. 7581 o Price Act at ng mga R.A. 10623 at R.A. 7394 o ang Consumer Act of the Philippines ang may ari at kahera nito.