Huli sa isinagawang entrapment operation ng pambansang pulisya ang isang negosyante dahil sa umano’y pagbebenta ng alcohol nang lagpas sa suggested retail price sa bayan ng Camalaniugan.
Kinilala ang suspek na si Dyril Kleine Dacanay, 31-anyos ng Barangay Bulala.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni PCapt. Arnel Acain, hepe ng Camalaniugan-PNP na batay sa monitoring ng Provincial Inteligence Unit ng Cagayan PNP, nagbebenta ang suspek sa kanyang tindahan ng alcohol na walang proper labelling sa halagang P320 bawat litro kahit nasa mahigit P100 lang ang SRP nito.
Matapos matanggap ang report, agad ikinasa ang operasyon laban sa suspek kung saan isang pulis ang nagpanggap na buyer at bumili ng 10 plastic bottle ng alcohol na tig-isang litro kapalit ng P3,200, kahapon.
Matapos tanggapin ang buy-bust money, hinuli ng pulisya ang suspek at nakumpiska ang kabuuang 21 bote ng alcohol sa kanyang tindahan.
Patong-patong na kaso ang haharapin ng suspek kabilang ang paglabag sa Price Act.