Huli sa entrapment operation ang isang negosyante dahil sa umanoy pagbebenta nang lagpas sa suggested retail price na construction materials sa Tuguegarao City sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Kinilala ang suspek na si Hilda Balisi, may-ari ng isang hardware store na matatagpuan sa Barangay Annafunan East.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni PLTCOL Jhonalyn Tecbobolan, hepe ng PNP- Tuguegarao na nakatanggap sila ng sumbong na ibinebenta ng suspek sa P290 ang kada isang bag ng semento na higit na mas mataas sa P250 SRP na itinalaga ng Department of Trade and Industry (DTI).
Katwiran naman ng suspek na nabili niya ang mga semento sa kanyang supplier sa mataas na halaga.
Ito ay sa kabila ng umiiral na price freeze kasunod ng deklarasyon ng State of Calamity sa buong bansa dahil sa COVID-19.
Kaugnay nito, kinumpiska ng mga otoridad ang hindi pa mabatid na halaga ng mga construction materials.
Nahaharap ang suspek na nasa kustodiya ng puliysa sa kasong paglabag sa RA 7581 (Price Act) at Bayanihan Heal as One Act.