Ipinahayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na may mga kahina-hinalang alokasyon pa rin sa panukalang National Expenditure Program (NEP) para sa taong 2026.
Ayon sa kanya, sa patuloy na pagsusuri ng pamahalaan, mas marami pang iregularidad ang natutuklasan sa budget, kaya’t kinakailangan itong linisin at ayusin nang maayos.
Isa sa mga naunang nagsiwalat ng isyu ay si Deputy Speaker Ronaldo Puno, na nagsabing may mga proyektong tapos na ngunit may nakalaang pondo pa rin sa panukalang budget.
Kaugnay nito, agad na kumilos ang Department of Budget and Management (DBM) sa pamumuno ni Secretary Amenah Pangandaman.
Nakipag-ugnayan na siya kay Public Works and Highways Secretary Vince Dizon upang isa-isang suriin ang mga proyektong sinasabing tapos na ngunit muling isinama sa 2026 budget.
Kasama rito ang mga substandard, ghost projects, at mga proyektong nadoble ang pondo.
Nangako ang DBM na gagawin ang lahat upang hindi na maulit ang ganitong problema sa susunod na mga taon.
Samantala, nanawagan ang Malacañang na huwag agad maghusga hangga’t hindi pa natatapos ang koordinasyon sa Department of Public Works and Highways (DPWH) at iba pang ahensya.
Ipinaliwanag ng Office of the Press Secretary na mahalagang tukuyin ang eksaktong lokasyon ng bawat proyekto dahil maaaring ang ibang bahagi ng proyekto ay tapos na, habang ang ibang bahagi ay kasalukuyang ginagawa pa.
Tiniyak din ng Palasyo na hindi papayagan ni Pangulong Marcos ang anumang pondo sa budget na ilalaan para sa mga proyektong tapos na, at paiigtingin pa ang pagsusuri upang matiyak ang wastong paggamit ng pondo ng bayan.