
Tumanggi ang Nepal sa alok ng ilang bansa na magpadala ng search-and-rescue teams matapos ang malagim na flash flood na tumama sa ilang lugar noong Miyerkules.
Ayon sa Nepalese Foreign Ministry, sapat pa umano ang kanilang sariling security agencies para isagawa ang rescue operations. Kabilang sa mga bansang nag-alok ng tulong ang India, China, United States, Britain, Japan, South Korea, Sri Lanka at Bangladesh.
Patuloy namang nakikipag-negosasyon ang South Korea sa Nepal para payagang makapagsagawa ng rescue operations ang kanilang mga tauhan. Siyam na South Korean workers na nagtatrabaho sa isang hydropower project ang nawawala, habang 10 iba pa ang stranded.
Nangako rin ang Seoul ng $1 milyon na humanitarian assistance sa pamamagitan ng international organizations.
Samantala, sinabi ng dating Nepali ambassador na si Dinesh Bhattarai na maaaring may kinalaman sa lokasyon ng Rasuwa ang pagtanggi ng Nepal, dahil malapit ito sa hangganan ng China at Tibet. Itinanggi naman ito ng Nepalese Foreign Ministry at sinabing sariling rescue teams ng bansa ang kasalukuyang nangangasiwa sa operasyon.




