
Inanunsyo ng National Food Authority (NFA) Cagayan branch na kaya nilang bumili ng humigit-kumulang na 120,000 sakong palay mula sa mga magsasaka o hanggang 100 sako ng palay sa bawat magsasaka.
Ayon kay Elimar Rigindin, branch manager ng NFA, layunin nito na mahikayat ang mga magsasaka na dalhin sa kanilang buying stations ang kanilang aning palay sa halagang P25-P27 kada kilo para sa tuyong palay at P18-P22 kada kilo para sa basang palay.
Dagdag pa ni Rigindin, kasalukuyang nakatutok ang ahensya sa pagtanggap ng palay mula sa ibat-ibang probinsya ng Kalinga, Cagayan, at Apayao.
Hinikayat din ng ahensya ang mga lokal na pamahalaan at mga kooperatiba na tulungan ang mga magsasaka sa pagdadala ng kanilang aning palay sa mga buying stations.
Nilinaw din ng NFA na mahigpit nilang binabantayan ang mga traders na iligal na nagtatangkang gumamit ng pangalan ng mga magsasaka para makapagbenta sa ahensya.
Tinatanggap lamang ang mga rehistrado sa ilalim ng RSBSA program ng Department of Agriculture sa pamamagitan ng certification mula sa Municipal Agriculture Office.
Sa ngayon ay nasa 30,000 na sako na ng palay ang nabili ng NFA para sa target na 120,000 sakong palay ngayong cropping season, at posibleng madagdagan pa ito depende sa kapasidad ng kanilang bodega.
Ang hakbang na ito ay bahagi ng programa ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr sa ilalim ng Department of Agriculture upang palakasin ang lokal na produksyon ng bigas at mabigyan ng mas malaking suplay ang mga murang bigas sa merkado.
Mahigpit din ang panawagan ng NFA na huwag pagsamantalahan ang mga magsasaka upang masiguro ang patas na benepisyo para sa mga lokal na nagtatanim ng palay.










