TUGUEGARAO CITY-Nakabili na ng nasa 375,000 na sako ng palay ang National Food Authority (NFA)-Cagayan mula buwan ng Enero hanggang nitong buwan ng Mayo ngayong taon.
Ayon kay Provincial Manager Mariela Neriza Rios ng NFA-Cagayan, nitong buwan ng Mayo lamang, kasabay ng anihan ay nakabili ang kanilang tanggapan ng 251,000 na sako ng palay sa mga magsasaka sa probinsya.
Aniya, galing sa North Western Cagayan-Apayao partikular sa Matukay, Allacapan at sa lungsod ng Tuguegarao ang may pinakamalaking bilang ng kanilang nabiling palay.
Nakabili rin ang kanilang tanggapan ng 20,000 na sako ng palay sa Tabuk City at Rizal sa Probinsya ng Kalinga.
Tiniyak naman ni Rios na maganda ang kalidad ng mga palay na kanilang binili.
Sinabi ni Rios na 63 percent o aabot sa 200,000 na sako ng bigas ang mapo-produce mula sa mahigit 300,000 sakong palay na kanilang nabili.
Labis naman ang pasasalamat ni Rios sa mga magsasaka na nagbenta ng kanilang palay dahil malaking tulong ito para sa pangangailangan ng pamahalaan bilang ayuda sa panahon ng kalamidad.
Sa ngayon, nasa 40 porsyento pa lamang ang nabibili ng NFA-Cagayn na sako ng palay mula sa target na 990,000 ngayong taon.
Kaugnay nito, sinabi ni Rios na tuloy pa rin ang kanilang pagbili ng palay kung saan binibili ito ng P19 kada-kilo.
Samantala, sinabi ni Rios na inaasahan ngayong buwan ng Hunyo ay muli nang makapagpapadala ang NFA-CAgayan ng bigas sa kalakhang Maynila.
Nabatid na unang itinigil ng naturang tanggapan ang pagpapadala ng bigas sa Manila dahil kanilang inuna ang pangangailangan ng mga Local Government Units (LGUs) sa probinsya lalo na ngayong panahon ng pandemya.