Nakapagpadala na ng 10,000 bags ng bigas ang National Food Authority (NFA) Cagayan sa National Capital Region.
Ito ay mula sa sobrang nabiling palay ng ahensiya sa mga magsasaka kung saan aabot na sa 450,000 bags na ang nabili nito mula Enero hanggang Hunyo ng kasalukuyang taon.
Ayon kay Provincial Manager Mariela Neriza Rios ng NFA-Cagayan, tuloy-tuloy din ang pagbili ng ahensiya ng P19 sa bawat kilo ng palay sa mga magsasaka at paggiling nito upang maging bigas.
Sinabi ni Rios na 63 percent o abot sa 300,000 na sako ng bigas ang mapo-produce mula sa 450,000 sakong palay na kanilang nabili.
Tiniyak din ni Rios na mayroong l5-araw na buffer stock ng bigas na katumbas ng 20,000 bags na tumitimbang ng 50kilos kada sako.
Bukod sa NFA Cagayan Branch na kinabibilangan din ng NFA Allacapan at Kalinga ay nauna nang nakapagpadala ng 20,000 bags ng bigas ang NFA-Nueva Vizcaya habang tuloy tuloy naman ang pagpapadala ng NFA Isabela sa NCR.
Matatandaan na pansamatalang itinigil ang pagpapadala ng bigas sa NCR dahil sa pangangailangan ng mga Local Government Units (LGUs) sa probinsya lalo na ngayong panahon ng pandemya.