Tuguegarao City- Tiniyak ng National Food Authority (NFA) Cagayan ang sapat na supply ng bigas sa probinsya sa gitna ng umiiral na Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa buong luzon.

Ito ay kasabay ng pagpapadala ng naturang tanggapan ng supply ng bigas sa National Capital Region (NCR) upang tulungan ang mga nangangailangang apektado ng ECQ.

Ayon kay Emerson Ravilas, Provincial Manager ng NFA Cagayan, nakapagpadala na sila ng 100k sako ng bigas sa Metro Manila at humihiling pa ang naturang rehiyon ng karagdagan pang supply nito.

Sa ngayon ay patuloy ang regular na milling operation ng NFA Cagayan sa mga nabiling palay mula sa mga local farmers sa rehiyon bunsod ng pagtaas ng demand ng bigas.

Inihayag pa ni Ravilas na marami na sa mga LGUs ang humihingi ng supply ng bigas mula sa NFA upang ipang-ayuda sa mga residenteng nangangailangan dahil sa ECQ.

-- ADVERTISEMENT --

Umapela naman ang opisyal sa mga local farmers na nagnanais magbenta ng palay sa kanilang tanggapan na makipag-ugnayan lamang upang maihatid papunta sa kanilang mga warehouse.