Nanawagan ang National Food Authority (NFA) sa mga trader na huwag baratin ang mga magsasaka sa pagbili ng palay, matapos matukoy na may mga lugar kung saan binibili ito ng P11.50 kada kilo.

Ayon kay NFA Administrator Larry Lacson, masyadong mababa ang presyong ito lalo’t ang puhunan ng mga magsasaka ay nasa P12 hanggang P14 kada kilo. Dagdag pa niya, marami ang nananamantala dahil puno ang mga bodega ng NFA at sinasabing wala nang ibang mapagbebentahan ang mga magsasaka.

Sa kasalukuyan, bumibili ang NFA ng malinis at tuyong palay sa halagang P23 hanggang P30 kada kilo, habang ang sariwa at basang palay ay nasa P17 hanggang P23 kada kilo.

Nakabili na rin ang ahensya ng 4.6 milyong sako ng bigas, lagpas sa kanilang target na 3.6 milyon.

Pinapabilis din nila ang konstruksyon at pagkukumpuni ng 134 warehouse para madagdagan ang kapasidad ng imbakan.

-- ADVERTISEMENT --

Layunin ng NFA na makabili ng higit pang palay upang hindi maipit ang mga magsasaka sa mababang presyo ng merkado.