TUGUEGARAO CITY-Kinondena ng National Food Authority-Cagayan ang ilang netizens na nagpo-post sa media ng mga maling impormasyon laban sa tanggapan.
Reaksion ito ni Antonio Macato,manager ng NFA-Cagayan sa isang post ng isang netizensa facebook na nagsasabing isang truck na naglalaman ng mga palay na pagmamay-ari umano ng isang trader na binibili ng tanggapan.
Binigyan diin ni Macato na agad silang nagsagawa ng beripikasyon sa nasabing post at natuklasan nila na walang katotohanan ang nasabing alegasyon ng netizen.
Sinabi niya na sinubukan nilang kausapin ang nag-post subalit isinara na nito ang kanyang FB account at blinock na rin ang NFA.
Samantala,sinabi ni Macato na may nahuli silang isang kooperatiba na bumibili ng palay mula sa mga traders at ibinebenta sa NFA.
Ayon sa kanya,sinuspindi na ang nasabing kooperatiba at muli umanong papayagan ang pagbubukas nito kung magbabago sila ng management.
Binigyan diin ni Macato na patunay ito na hindi nila pinapayagan ang pagsasamantala ng ilang grupo o indibidual sa mga magsasaka.
Iginiit niya na hindi sila bumibili ng palay mula sa mga traders.