TUGUEGARAO CITY – Mariing pinabulaanan ng National Food Authority sa Cagayan ang reklamo ng isang magsasaka na bumibili sila ng palay mula sa mga traders na ipinagbabawal sa ilalim ng Rice Tarrification Law.
Binigyan diin ni Antonio Macato, manager ng NFA-Cagayan na ang nakita ng hindi na pinangalanang magsasaka na malaing truck na nagdiskarga ng mga palay sa kanilang warehouse sa Carig ay pag-aari ng isang malaking kooperatiba ng mga magsasaka.
Iginiit ni Macato na tanging sa mga magsasaka lamang sila bumibili ng mga palay dahil limitado rin ang kanilang pondo.
Dahil dito, nanawagan si Macato sa mga magsasaka na magsagawa muna ng beripikasyon sa kanilang nakikita bago sila magreklamo upang sila ay malinawagan at maiwasan ang anumang hindi pagkakaunawaan.