TUGUEGARAO CITY-Umapela ang National Food Authority Region 2 na saklaw din ang Eastern Cordillera sa mga magsasaka na huwag magpagamit sa mga mapagsamantalang traders sa pagbebenta ng mga palay sa ahensiya.
Sinabi ni Rocky Valdez, general manager ng NFA Region 2 na mahigpit ang pagbabantay nila sa modus ng mga traders na binibigyan nila ang mga magsasaka at mga cooperatives na may passbook para sila ang magbenta ng kanilang palay sa NFA.
Ayon kay Valdez,ginagawa ito ng ilang traders dahil sa mas malaki ang kanilang kita kung sa NFA sila magbenta ng kanilang palay sa halagang P20 kada kilo at may insentibo pa.
Habang ang bilihan naman ng traders sa mga palay ng mga magsasaka ay P14 hanggang P16 lamang.
Dahil dito, sinabi ni Valdez na inatasan niya ang lahat ng mga nakatalaga sa mga warehouse ng NFA na suriin ang mga ibinebentang palay.