Umaabot na sa mahigit kalahating bilyong piso ang tulong na naipamahagi ng National Irrigation Administration o NIA Cagayan sa mga magsasaka sa ilalim ng Rice Contract Farming Program.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Engr. Geffrey Catulin, Division Manager ng Cagayan – Batanes Irrigation Management Office, nasa mahigit P342M na ang kanilang naipamahaging inputs tulad ng seeds, fertilizers at pesticides mula sa target na mahigit P426M habang naibigay na rin ang nasa P228M para sa labor inputs mula sa target na P409M.

Sa kabuuan ito ay nasa mahigit P570M na tulong mula sa target na mahigit P835M kung saan tuloy tuloy pa ang kanilang pamamahagi sa mga magsasaka para makumpleto ang target na labing isang Irrigation System at apat na Communal Irrigation System.

Sakop nito ang nasa 13, 374 hectares mula sa target na 16, 730 hectares kung saan ito ay nasa 40% sa kabuuang ektarya sa bansa na makikinabang sa nasabing programa.

Sa ilalim ng labor inputs, mabibigyan ang magsasaka ng pera na gagamitin pambayad sa mga magtratrabaho sa kanila mula sa pagtatanim hanggang sa pag aani.

-- ADVERTISEMENT --

Layunin ng programang ito na maiwasan na mangutang ang mga magsasaka lalo na sa mga nagpapataw ng malaking interes na dahilan ng kanilang pagkalugi.

Sa ilalim ng Memorandum of Agreement ng NIA at sa mga Irrigators Association, kapag makapag ani ang mga magsasaka ng nasa 5 metric tons ay ang NIA na ang magbabayad ng nasa P50,000 dahil magsisilbing advanced payment na ang naibigay na tulong sa farm inputs at labor.

Sa ngayon ay puspusan ang ginagawang distribusyon ng mga nasabing tulong na magagamit para sa pagtatanim ng mga magsasaka.