TUGUEGARAO CITY-Humingi ng paumanhin ang National Irrigation Administration (NIA) sa lahat ng mga magsasaka sa bayan ng Solana kaugnay sa hindi maayos na patubig mula sa Solana Pump Irrigation System.

Ayon kay Provincial Manager Guileo Michael Dimoloy ng NIA Cagayan-Batanes area, bumigay ang isang irrigation pump kung kaya’t nagkaproblema ang supply ng tubig sa mga palayan.

Aniya, buwan pa umano ng Pebrero nang masira ang irrigation pump pero hindi ito agad naramdaman dahil sapat pa noon ang supply ng tubig.

Dahil unti-unti nang nararamdaman ang tag-init ay bahagya na ring humina ang supply ng tubig sa mga palayan.

Sinabi ni Dimoloy na bago nasira ang nasabing pump ay may plano na itong palitan dahil sa kalumaan kung saan naipatayo pa ito noong 1970’s ngunit kasalukuyan pang inaayos ang pondong gagamitin.

-- ADVERTISEMENT --

Tiniyak naman ni Dimoloy na kanilang papalitan ang nasirang pump sa lalong madaling panahon dahil batid nila na marami mga magsasaka ang naapektuhan.

Sa ngayon, per-schedule ang patubig sa nasabing lugar para mabigyan pa rin ang mga ektarya ng palay sa lugar kung saan nagtalaga rin sila ng magbabantay para matiyak na maayos ang distribution ng tubig.

Kaugnay nito, humingi ng kooperasyon ang NIA sa mga magsasaka dahil kanila namang ginagawa ang lahat para mapatubigan ang nasa 3,204 na ektarya ng palayan na sinusuplayan ng Solana pump irrigation system.