Tinatayang aabot sa 15,477 ektarya ng mga palayan sa Tabuk City at Pinukpuk sa Kalinga at ilang bahagi ng Quezon at Mallig sa Isabela ang makikinabang sa muling pagbubukas ng intake gates matapos ang dalawang buwang desilting at clearing operations sa Upper Chico River Irrigation System (UCRIS).
Ayon kay Engr. Rey Gunnawa, hepe ng Operation and Maintenance Section ng NIA KALINGA, binuksan na muli ang mga intake gates ng patubig noong unang araw ng Hulyo matapos ang dalawang buwang cut off para mapatubigan ang service area ng pinakamalaking irrigation system sa rehiyon.
Nabatid na sa panahon ng cut off, isinagawa ng NIA ang pagkumpuni ng pangunahing diversion canal at lateral repair ng siphon barrel at manhole, mechanized desilting works, pag-aayos ng lifting mechanism ng turn-out gates, at pagtanggal ng mga naipong debris sa canal structures.
Binigyang-diin niya na patuloy pa rin ang kanilang desilting operations sa piling mga lugar upang matiyak ang maayos na daloy ng tubig, lalo na sa pagsisimula ng wet crop season mula Hulyo hanggang Nobyembre 15.