TUGUEGARAO CITY- Sisimulan na ng National Irrigation Administration (NIA) ang pagpapalabas ng tubig ngayong buwan ng Mayo para maagang makapagtanim ng palay ang mga magsasaka.

Ayon kay Provincial Manager Guileo Michael Dimoloy ng NIA Cagayan-Batanes area, mapapaaga ang kanilang pagre- release ng tubig para mapaaga rin ang anihan at hindi na maaabutan ng panahon ng bagyo.

Aniya, nitong mga nakalipas na taon ay buwan ng Hunyo o Hulyo nagpapalabas ng tubig ang NIA ngunit ngayon ay aagahan na ng ahensiya.

Inaayos na rin ang mga kanal na dadaluyan ng tubig katuwang ang Irrigators association kung saan nagbigay umano ang DA o Department of Agriculture ng ID para makapagtrabaho ang mga magsasaka kasunod ng ipinapatupad na General community quarantine dahil sa covid-19.

Nabatid na mayroong 34, 908 hectares mula sa national system ang susuplayan ng tubig habang mayroon namang 13,000 hectares naman sa communal system.

-- ADVERTISEMENT --
Tinig ni Provincial Manager Guileo Michael Dimoloy

Samantala, layon din ng pagpapaaga ng pag-release ng tubig ay para mabigyan ng mas mahabang oras ang ahensiya na gumawa at mag-ayos ng kanal.

Sinabi ni Dimoloy, kung mapapaaga ang pag-ani ng mga magsasaka ng palay ay mapapaaga rin ang pagsasaayos nila ng mga kanal sa kanilang mga nasasakupang lugar.