Pinawi ng NIA-Magat River Integrated Irrigation System ang pangamba ng publiko sa planong pagbubukas ng isang gate sa Magat Dam bilang paghahanda sa posibleng epekto ng bagyong Dante at Habagat.
Ayon kay Engr. Carlo Ablan, NIA-MARIIS dam division manager, sakaling matuloy bukas, araw ng Huwebes sa alas 9:00 ng umaga ay minimal lamang ang volume ng tubig na kanilang pakakawalan at hindi namang inaasahang makakaapekto sa antas ng tubig sa magat river subalit maaaring magdulot pa rin ito ng malakas na agos.
Sinabi ni Ablan na ang gagawing water releasing ay target na maibaba sa 184 meter above sea level ang water elevation ng dam.
Bahagyang bubuksan ang Spillway Gate #4 para maglabas ng higit-kumulang na 150 cubic meter per second (cms) na tubig bilang bahagi ng pre-emptive release o maagang pagpapakawala ng tubig upang maiwasan ang biglaang pag-apaw ng dam.
Aabutin naman ng halos isang araw bago marating ng papakawalang tubig ang bahagi ng Cagayan river.
Dagdag pa ni Ablan na maaari namang magdagdag ng bubuksang radial gate kung kakailanganin o kung makakaranas ng matinding buhos ng ulan ang upstream ng Magat watershed.