Posibleng magbukas ng isang gate ng Dam bukas, alas-otso ng umaga ang National Irrigation Administration-Magat River Integrated Irrigation System (NIA-MARIIS).

Ayon kay Engr. Gileu Michael Dimoloy, Department Manager ng NIA-MARIIS, kasalukuyan nilang tinutukoy kung kakayanin ng lebel ng tubig sa dam na mag-imbak ng buffer volume bago magdesisyon kung magbubukas ng gate bukas.

Paliwanag ni Dimoloy, kahit na magbukas man ng isang gate, inaasahan na magiging minimal lamang ang pagtaas ng tubig, na aabot lamang sa 0.5 millimeters kung saan maglalabas ito ng 133 cubic meters per second (cms) ng tubig at isang metro ang taas .

Aniya, ito’y bilang bahagi ng paghahanda ng NIA-MARIIS para sa mga inaasahang pag-ulan dulot ng Bagyong Marce na tatahakin ang buong Lambak ng Cagayan sa mga susunod na araw.

Ayon pa kay Dimoloy, tinatayang aabot ng 15 oras bago makarating sa Buntun Bridge ang papakawalang tubig mula sa dam.

-- ADVERTISEMENT --

Sa kasalukuyan, ang lebel ng tubig sa reservoir ng Magat Dam ay nasa 183.90 meters above sea level (masl), at may inflow at outflow na umaabot sa 269.94 cubic meters per second (cms).

Bukod sa tubig na papakawalan mula sa dam, binabantayan din ng NIA-MARIIS ang mga 20 tributaries na dumadaloy mula sa Sierra Madre dahil sakaling magsasabay-sabay ang malalakas na ulan sa buong Luzon, inaasahan ng ahensya na magdudulot ito ng pagtaas ng lebel ng tubig sa mga ilog na ito, kaya’t kailangan ng patuloy na pag-iingat.

Sa ngayon ay patuloy ang pagmo-monitor ng NIA-MARIIS sa sitwasyon upang matiyak ang kaligtasan ng mga residente lalo na sa mga mabababang lugar.