DCIM\101MEDIA\DJI_0182.JPG

TUGUEGARAO CITY-Sapat ang suplay ng tubig sa Magat dam sa Isabela sa gitna ng pinangangambahang epekto ng El Niño phenomenon.

Sinabi ni Engr. Gileu Michael Dimoloy, department manager ng NIA-MARIIS na kayang patubigan ng Magat dam ang 90, 000 hectares na palayan na sakop ng pasilidad sa Isabela, Quirino at Ifugao.

Ayon ay Dimoloy na may schedule lang na susundin para sa pagpapakawala ng tubig ang dam para sa irrigation canals at maging para sa operasyon ng hydro power plants para sa suplay ng kuryente.

Sinabi niya na sa ngayon ay maganda pa ang inflow ng tubig sa Magat kaya walang dapat na ipangamba ang mga magsasaka sa suplay ng tubig ng kanilang mga sakahan kahit pa maranasan ang El Niño sa susunod na mga buwan.

Samantala, sinabi ni Dimoloy na susunod na mga buwan ay sisimulan ang retrofitting works para sa Magat dam.

-- ADVERTISEMENT --

Ito ay matapos na pangunahan ni Senator Aimee Marcos ang ground breaking ceremony para sa nasabing proyekto na may inilaang paunang pondo para sa taong ito na P500m.

Ayon sa kanya, layunin ng nasabing proyekto na mapahaba na ang buhay ng dam para sa mas matagal at mas maayos na pagseserbisyo sa mga magsasaka.

Bukod dito, sinabi ni Dimoloy na nangako rin ang National Irrigation Administration na lalo pang pagagandahin ang Magat dam reservoir at maging ang mga irrigation canals para sa maayos na pagdaloy ng tubig papunta sa mga sakahan.

Ang Magat dam ay 41 taong gulang na.