Binigyang diin ng National Intelligence Coordinating Agency O NICA Region 2 ang kahalagahan ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict o NTF-ELCAC sa deklarasyon ng lalawigan ng Cagayan bilang insurgency free province.

Sinabi ni Phlormelinda Olet, regional director ng NICA sa rehiyon dos na dahil sa ipinatupad na whole of nation approach na siyang pangunahing konsepto ng task force ELCAC kung kayat natugunan ang matagal ng problema sa insurhensiya hindi lamang dito sa lalawigan ng Cagayan kungdi sa buong bansa.

Ayon kay Olet na nabuo ang naturang anti-insurgency task force sa pamamagitan ng Executive Order No. 70 ni noon ay Pangulong Rodrigo Duterte batay sa rekomendasyon ng Think Tanks na ang pagwawakas sa insurgency problem ay nakabatay sa pagtutulungan ng iba’t-ibang sangay ng pamahalaan sa pakikipagtulungan ng mga pribadong sector.

Ipinagmalaki ni Olet ang positibong resulta ng whole of nation approach kung saan napahina nito ang matagal na pamamayagpag ng halos 70 na active guerilla fronts ng New People’s Army sa buong bansa.

Kinilala rin ng opisyal ang tulong ng mga dating rebelde na naging katuwang ng pamahalaan sa paghikayat sa mga lider at miembro ng mga makakaliwang grupo na boluntaryong magbalik loob sa gobierno.

-- ADVERTISEMENT --

Kaya naman pinuri ng NICA ang ipinatawag na insurgency forum ng pamahalaang panlalawigan ng Cagayan kung saan ay tinalakay ang mga development plan para ma-sustain ang nakamit na insurgency free at stable internal peace and security ng probinsiya ng Cagayan.

Inihayag ni Olet na naka-angkla ito sa National Action Plan for Unity, Peace and Development 2025-2028 (NAP-UPD) kung saan nakapaloob ang mga commitment, plans and programs ng NTF-ELCAC para magtuluy-tuloy ang napagtagumpayan na pagwawakas sa problema sa CPP-NPA-NDF para mas mabilis na maisulong ang pag-unlad ng lalawigan.

Dagdag pa niya na prayoridad ang 291 barangays sa lambak Cagayan na pagsasagawaan sa mga proyekto at programa na nakapaloob sa NAP-UPD para magtuloy-tuloy ang serbisyo at iparamdam sa mga malalayong komunidad ang presensiya ng gobierno na kumikilos para matulungan silang maingat ang kanilang pamumuhay.

Matatandaan na pinangunahan ni Cagayan Governor Manuel Mamba ang insurgency forum kung saan binigyang-diin nito ang kahalagahan ng maayos na koordinasyon at pagtutulungan ng lahat ng sektor sa pagkamit ng pagiging insurgency-free ng lalawigan.

Tinalakay sa pagtitipon ang iba’t ibang mga hamon na kinakailangang matugunan sa pagpapabuti sa kalakalan o pagnenegosyo, governance and peace building, economic development, trade and investment, environmental sustainability, health and well-being, tourism and culture preservation, social development and education, infrastructure and connectivity at ang agriculture and fisheries.

Sa naturang pagtitipon, inirekomenda ang pagbuo ng isang Technical Working Group (TWG) na tututok sa pagsasaayos ng mga polisiyang dapat sundin upang matiyak ang pagpapatuloy ng pagiging insurgency-free ng lalawigan na pormal na pinagtibay noong Nobyembre 29, 2024.