
Nagdeklara ng ‘Nationwide Security Emergency’ ang Nigeria kasunod ng patuloy na pagdami ng kaso ng pagdukot.
Layunin ng hakbang na ito na mapabilis ang pagtugon sa krisis sa seguridad, lalo na sa mga apektadong lugar.
Sa loob ng isang linggo, daan-daang katao na karamihan ay mga estudyante ang dinukot, kabilang ang 12 Muslim schoolgirls, 38 katao sa isang lugar ng pagsamba, mahigit 300 estudyante at guro mula sa isang Catholic school, 13 kababaihan at bata sa bukirin, at 10 pang kababaihan at bata.
Bagama’t may ilan na nakaligtas o nailigtas, 265 estudyante at guro pa rin mula sa Catholic boarding school sa estado ng Niger ang nananatiling nawawala.
Samantala, iniutos din ang muling pag-deploy ng mga police VIP bodyguards sa kanilang tungkulin sa pagpapatrolya, at ang pagre-recruit ng 50,000 bagong pulis.
Pinahintulutan din ang intelligence department na magpadala ng forest guards upang sirain ang mga kampo ng bandido at terorista sa hilaga at kanlurang bahagi ng bansa.
Patuloy namang nanawagan si Nigeria Pangulong Bola Tinubu sa mga simbahan at moske na magpatupad ng dagdag na seguridad habang ipinagpapatuloy ang pagsisikap na mailigtas ang mga biktima.




