TUGUEGARAO CITY-Pormal nang binuksan para sa mamamayan ang night market sa lungsod ng Tuguegarao, kagabi na magtatagal hanggang sa ika-15 ng buwan ng Abril sa susunod na taon.
Ayon kay Pedro Cuntapay, City Market Administrator ng lungsod, nilahukan ng nasa 300 negosyante ang unang gabi ng night market kung saan pansamantalang isinara ang bonifacio street hanggang Gomez street mula alas 6 ng gabi hangang ala una ng madaling araw.
Layon nang pagbukas ng night market na tulungan ang mga ambulant vendors na una nang naapektuhan dahil sa road clearing operation.
Aniya, nasa P30 ang sinisingil na arkabala para sa mga nagtitinda ng ukay habang ang mga maliliit na negosyante tulad ng mga nagtitinda ng gulay ay sinisingil lamang ng P10.
Kaugnay nito, inanyayahan ni Cuntapay ang mga mamimili na magtungo sa lugar bilang pagsuporta sa mga negosyante.
Samantala, sinabi ni Cuntapay na magpapatawag siya ng pagpupulong ngayong araw kasama ang mga negosyante dahil may mga ilan pang negosyante na gusto ring makakuha ng pwesto sa lugar.
Aniya, ito’y para mabigyan ng space o pwesto ang lahat ng mga negosyante dahil sa ngayon ay na-okyupahan na lahat ang espasyo sa kalsadang ipinasara.