Binabalangkas na ang Implementing Rules and Regulations (IRR) ng resolusyong may kaugnayan sa paglalagay ng night market sa Tuguegarao City.

Inihayag sa Bombo Radyo ni Ret. Col. Pedro Cuntapay, head ng task force clean and order na ito ang nakikita nilang kasagutan para sa mga nawalan ng kabuhayan at upang hindi na bumalik matapos na isagawa ang clearing operations sa mga ilegal na nagtitinda sa mga sidewalk na isa sa mga nagiging sanhi ng trapik.

Sinabi pa ni Cuntapay na itatayo sa Gomez St ang bagong pwesto ng mga street vendors at ukay-ukay na magsisimula sa October 15, 2019, mula alas sais ng gabi hanggang ala-una ng madaling araw.

Sa ngayon, sinabi ni Cuntapay na halos 90 percent na ng mga pangunahing lansangan ang nalinis na sa lunsod.