Nabawi ng mga guwardiya ang mamahaling piyesa ng isang makina na ninakaw sa Cagayan Economic Zone Authority na nagkakahalaga ng P50,000 sa bayan ng Sta Ana, Cagayan.

Ayon kay PCAPT Ranolfo Gabatin, hepe ng PNP-Sta Ana, narekober ang mamahaling piyesa ng conveyor machine sa isang junk shop sa Brgy Casambalangan kung saan dito ibebeNTA ng mga kawatan sa murang halaga na P14 kada kilo lamang.

Sa tulong ng mga gwardiya ng CEZA ay nahuli ang dalawa mula sa limang suspek na sina Dexter Fidel, 45-anyos at Romel Montanes, 27-anyos at kapwa residente ng Brgy Casambalangan habang nakatakas naman si Jay-ar Baloloy at dalawang hindi pa nakikilala.

Sinabi ni Gabatin, pangalawang beses na sana sa paghahakot ng nanakawin, gamit ang kolong-kolong nang mahabol ng mga guwardiya ang mga suspek hanggang sa junkshop kung saan narekober ang unang ninakaw na piyesa ng makina na may bigat na 500 kilo.

Nabisto ang mga suspek nang makakuha ng impormasyon ang mga guwardiya kaugnay sa plano nilang pagnanakaw ng naturang makina na nakaimbak sa isang gusali at ginagamit noon sa dredging operations ng CEZA.

-- ADVERTISEMENT --

Nabatid na nakakapasok ang mga suspek sa port irene dahil kinukuha silang extra para magbuhat tuwing may darating na barko.

Sa ngayon ay nakasuhan na ng theft ang dalawang nahuli at isa sa tatlong nakatakas habang patuloy na inaalam ng pulisya ang pagkakakilanlan ng dalawang iba pa.

Nakikipagtulungan rin aniya sa imbestigasyon ang may-ari ng junkshop sa posibleng sabwatan ng mga suspek at kanyang mga tauhan dahil sa pagtanggap ng naturang ibebentang piyesa sa disoras ng gabi kung saan sarado na ito.