Pinaigting ng National Meat Inspection Service (NMIS) Region 2 ang inspeksyon sa mga katayan at pamilihan upang matiyak na ligtas at dumaan sa wastong pagsusuri ang mga karne na ibinebenta sa publiko, sa gitna ng banta ng African Swine Fever o ASF.

Ayon kay Dr. Venus G. Garcia, OIC-Regional Technical Director ng NMIS Region 2, kailangang may kaukulang dokumento ang mga hayop na dinadala sa rehistradong katayan, habang dapat may Meat Inspection Certificate at opisyal na tatak ng inspeksyon ang mga karne sa pamilihan.

Nagbabala rin ang opisyal laban sa ilegal na pagkatay, pagbebenta at pagbiyahe ng karne na hindi dumaan sa inspeksyon, gayundin sa pamemeke ng mga dokumento.

Maaaring patawan ng pagkakakulong at multa ang mga lalabag, depende sa naaangkop na probisyon ng batas.

Nilinaw naman ng NMIS na hindi nakahahawa sa tao ang ASF, ngunit malaki ang epekto nito sa industriya ng baboy.

-- ADVERTISEMENT --

Kaugnay ng Meat Safety Consciousness Week, magsasagawa ang NMIS ng food safety caravan sa Cauayan City, Isabela sa Oktubre 14, at meat fair sa tanggapan nito sa Tuguegarao City mula Oktubre 19 hanggang 22.

Hinimok ng ahensya ang publiko na bumili lamang ng karne sa mga rehistradong pamilihan at tiyaking may kaukulang dokumento ng inspeksyon ang mga ito.