Ipinatawag sa unang regular session ngayong taon ng Tuguegarao City Council ang National Meat Inspection Service o NMIS Region 2.

Sa isinagawang session, inalam ng konseho ang ginagawang monitoring ng ahensiya ukol sa operasyon ng slaughter house ng lungsod ng Tuguegarao.

Ito ay matapos na makita ng ilang miembro ng konseho ang hindi maayos na pag-handle sa karne ng mga kinakatay na hayop at pagkadisgrasya umano ng isang butcher na nadulas nang sipain ng kakatayin sanang baboy dahil sa pumalyang kagamitan.

Sa kaniyang pagharap sa mga konsehal, inihayag ni Dr. Elnora Ramones, supervising meat control officer ng NMIS sa rehiyon na nagsasagawa sila ng surprise inspection sa slaughter house na matatagpuan sa Brgy. Capatan.

Aminado si Ramones na maraming dapat ayusin sa naturang bahay katayan para matiyak na nakakasunod sa tamang proseso ng pagkatay at paghandle sa mga karne ng kinakatay na hayop.

-- ADVERTISEMENT --

Inilahad ni Ramones kinakatay sa labas ng slaughter house ang mga large animal dahil sa kawalan ng magagamit na cattle slaughter lines at ang ilan ay basta na lang pinapalo sa ulo ang mga kakataying hayop na labag sa panuntunan na umiiral.

Dahil dito, sinabi ni Ramones na gumawa sila ng rekomendasyon sa pamahalaang panlungsod para maiayos ang mga kagamitan at operasyon ng slaughter house para ma-accredit na rin ito ng NMIS dahil hanggang sa ngayon ay hindi pa ito na-a-accredit dahil sa mga kakulangan sa pasilidad.

Layunin naman ng pagpapatawag ng konseho sa NMIS na maamyendahan ang existing ordinance ng pamahalaang panlungsod ukol sa pangangasiwa sa bahay katayan para matiyak na ligtas kainin ang mga karne na kinakatay sa Tuguegarao City slaughter house.