Patuloy parin ang isinasagawang monitoring at inspeksyon ng National Meat Inspection Service (NMIS) Region 2 sa mga bahay katayan at pamilihan dito sa Lambak ng Cagayan.

Ayon kay Dr.Ronnie Ernst Duque direktor ng NMIS Region 2, sa ngayon ay maayos pa naman ang suplay ng karne ng baboy sa mga pamilihan at maging sa status ng mga karneng ibinebenta.

Bagama’t may mga naitalang kaso ng african swine fever (ASF) sa ating rehiyon ay mga isolated cases lamang ang mga ito gaya na lamang sa Santiago City matapos na magpositibo sa asf ang baboy pagdating sa slaughter house kung saan galing pa sa Bulacan ang shipment nito.

Pansamantalang pinasara ng tatlong araw ang nasabing slaughter house para sa cleaning and disinfection nito upang maiwasan ang pagkalat nito sa iba pang mga bayan na sa ngayon ay tuloy na ang operasyon.

Nakakatalima naman aniya sa proseso ang mga slaughter houses upang pagdating ng mga karne ng baboy sa mga pamilihan ay makakatiyak na malinis ang mga ito.

-- ADVERTISEMENT --

Sa ngayon ay patuloy rin ang ginagawang pagbabantay lalo na sa mga checkpoint areas para naman sa mga karne o suplay ng baboy na nanggagaling sa ibang probinsya sa labas ng rehiyon partikular na ang paghihigpit sa mga boarder municipalities gaya na lamang ng Sta.Fe at Sta.Praxedes.