Tuguegarao City- Nababahala ngayon ang National Meat Inspection Service (NMIS) Region 2 sa posibleng pagbaba ng supply at pagtaas ng presyo ng karne ng baboy sa mga pamilihan sa rehiyon.
Ito ay batay sa monitoring ng naturang tanggapan kaugnay na rin sa mahigpit na paglalatag ng mga panuntunan ng bawat probinsya laban sa banta ng African Swine Fever (ASF).
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Ronnie Ernst Duque, Director ng NMIS Region 2, sinabi niya na mahigpit na hindi pinapayagan ng mga LGUs na makapasok ang mga live hogs at mga pork products sa kanilang mga lugar mula sa ibang mga munisipalidad at rehiyon.
Aniya, tanging ang mga baboy lamang mula sa kanilang mga munisipalidad na kinakatay sa mga slaughter house ang ibinebenta sa mga pamilihan kaya’t nagkukulang ngayon ang supply.
Batay sa pinakahuling monitoring ng kanilang grupo ay umaabot na sa P220-P240 ang bawat kilo ng karne ng baboy sa mga pamilihan at posible pa umano itong tumaas.
Dahil dito ay nakikipag-ugnayan aniya sila sa mga veterinarian at inspectors ng bawat LGU’s kasama na ng Bureau of Animal Industry upang mabantayan ang supply at presyuhan ng karne sa mercado.
Bagamat, mahigpit ang panuntunang ipinatutupad ay sinabi niya na pinapayagan naman ang pagpapapasok ng mga imported frozen products ngunit kailangang matiyak na nasuri ng mabuti at may mga kaukulang dokumento mula sa Bureau of Animal Industry kasama na ng inspection shipping permit nito tulad ng ginagawa ngayon sa Cauayan City.
Kasabay ng pagdiriwang ng National Meat Consciousness Week ay nanawagan naman si Duque sa publiko na maging mapanuri sa mga binibiling karne upang matiyak na ligtas itong kainin.
Sa ngayon ay maigting aniya ang kanilang kampanya katuwang ang municipal at local officials upang bigyan ng tamang kaalaman ang publiko na huwag ng magkatay ng baboy sa kanilang bakuran upang mapigilan ang paglala ng problema na dulot ng ASF.