
Naglabas ng mga paalala ang National Nutrition Council o NNC MIMAROPA para mapanatili ang wastong nutrisyon ng mga pamilya habang nakararanas ng malalakas na pag-ulan at pagbaha.
Hinikayat ng NNC ang mga nagpapasusong ina na ipagpatuloy ang breastfeeding dahil nakatutulong ang gatas ng ina na protektahan ang mga sanggol laban sa impeksiyon.
Inirerekomenda ang exclusive breastfeeding para sa mga sanggol na wala pang anim na buwan.
Kung hindi makapagpasuso ang ina, maaaring gumamit ng expressed breastmilk na ipapainom gamit ang tasa, o humingi ng tulong sa ibang breastfeeding mother o pasteurized donor breastmilk.
Pinayuhan din ang publiko na gumamit lamang ng malinis na tubig sa pag-inom, paghahanda ng pagkain at pagpapakain sa mga bata.
Dapat ding itapon ang mga pagkaing o inuming kontaminado ng baha upang maiwasan ang diarrhea at iba pang sakit.
Maaari ring dagdagan ng gulay, prutas at legumes ang canned goods at relief food upang mapataas ang nutritional value ng mga ito.
Samantala, hinikayat ng NNC ang mga local nutrition cluster na tiyaking sapat ang suplay ng mga bitamina, micronutrients, weighing equipment at iba pang nutrition supplies sa mga lugar na apektado ng kalamidad.
Patuloy namang umiiral ang Habagat sa Luzon at kanlurang bahagi ng Visayas, habang minomonitor din ang Tropical Storm Peilou na nasa labas ng Philippine Area of Responsibility o PAR.




