Nahuli ng mga awtoridad ang top 1 most wanted ng bayan ng Enrile, Cagayan, dahil sa kasong pagpatay.
Kinilala ang suspek bilang si Alyas Ambeng, 57 anyos, isang self-employed at residente ng Enrile.
Ayon kay PCPT Christopher Dawan, ang Deputy Chief of Police ng PNP Enrile, nahuli si Ambeng noong Pebrero 19, 2025, bandang alas-11 ng gabi sa Barangay San Juan, Baras, Rizal.
Inaresto siya sa bisa ng isang Warrant of Arrest na walang piyansang inirerekomenda.
Nalaman na nagtago si Ambeng sa Rizal matapos maganap ang insidente ng pagpatay noong 2021 sa Enrile, Cagayan.
Sa kasalukuyan, nasa kustodiya na ng Enrile Police Station ang suspek at mahaharap sa kasong murder.
Ang operasyon ay isinagawa ng pinagsanib na pwersa mula sa Enrile Police Station, Regional Intelligence Division, Police Regional Office 2, 202nd Maneuver Company ng Regional Mobile Force Battalion 2, OMO D6, National Intelligence Coordinating Agency, Baras PS, Morong PS, Rizal Police Provincial Office, at Police Regional Office 4A.