TUGUEGARAO CITY-Tuluyan nang naaresto ang isa sa mga miyembro ng New Peoples Army o NPA na itinuturing isa sa mga top ranking officer ng grupo.
Nahuli si Alyas Ka Maymay, 39 anyos, dalaga at tubong Gonzaga, Cagayan, at umano’y kasalukuyang Platoon Medical Officer ng NPA na nag-ooperate dito sa probinsya, sa ilalim ng Henry Abraham Command, East Front.
Siya rin ay No. 10 sa Most wanted person list ng probinsya ng Cagayan.
Sa kasalukuyan, nahaharap ang akusado sa kasong paglabag sa International Humanitarian Law o IHL kasama na ang kasong Rebellion, at walang bail bond na inirekomenda ng korte para sa kanyang pansamantalang kalayaan.
Batay sa official report ng Police Regional Office no. 2, nahuli ang suspek sa Tondo Manila sa pamamagitan ng Weekly Simultaneous Anti-Criminality Law Enforcement Operation ng PNP sa tulong ng Regional Special Operations Group, Intel Group, at CPPO.
Si ka May-May ay unang na-recruit sa ilalim ng Renato Busante Group noong 1999 kung saan ang grupo ay binubuo ng apatnapung mga fully armed fighters na nakabase sa Quirino Province at nag-ooperate hanggang sa probinsya ng Isabela.
Matapos ang recruitment ay nasangkot umano siya sa ilang inkwentro noong 2001.
Matapos nito, noong hulyo ng taong 2001, si ka-Maymay ay nailipat sa probinsya ng Cagayan kung saan ay naging aktibo pa rin siya sa kilusan at nasangkot sa ilan pang mga inkwentro.
Sa ngayon, dinala na ang akusado sa bayan ng Gonzaga sa kostudiya pa rin ng PNP, bago tuluyang iturn over sa korte.