Epektibo na sa buwan ng Hulyo ang istriktong implementasyon ng “No Helmet No Travel Policy” o pagbabawal sa mga driver ng motorsiklo at angkas nito na walang helmet sa Tuguegarao City.
Ayon kay Tuguegarao City Mayor Jefferson Soriano na naayon ito sa RA 10054 o “Motorcycle Helmet Act” na may layuning masiguro ang kaligtasan ng mga riders sa pamamagitan ng sapilitang pagsusuot ng standard protective helmet sa pagmomotorsiklo.
Iginiit naman ni Lt. Col. George Cablarda, hepe ng PNP-Tuguegarao na kailangang ipatupad ang batas sa bisinidad ng lungsod bilang proteksyon sa pagmamaneho dahil sa tumataas na bilang ng mga aksidente na kinasasangkutan ng motorsiklo.
Binalaan din ni Cablarda ang mga miyembro ng pulisya at Traffic Management Group (TMG) na siyang magpapatupad sa batas, na magsilbing modelo sa paggamit ng helmet sa pagmomotorsiklo.
—with reports from Bombo Eliseo Collado