TUGUEGARAO CITY-Mahigpit na ipapatupad ng bayan ng Piat ang “no helmet,no travel” policy simula sa unang araw ng octubre ng kasalukuyang taon.

Ayon kay Mayor Carmelo Villacete ng Piat, ito ay dahil sa dumadaming bilang ng mga naka-motorsiklong naaaksidente sa mga kalsada kung saan ilana sa mga ito ay binabawian ng buhay.

Kaugnay nito, sinabi ni Villacete na naglagay na ang kanilang tanggapan katuwang ang kapulisan ng mga signages para mabatid ng publiko ang mahigpit na pagpapatupad sa nasabing batas.

Sa kabila aniya ng pagganda at pagluwag ng kalsada sa nasabing bayan ay siyang pagsulpot naman ng mga motorsiklong nagkakarerahan na sanhi ng mga naitatalang aksidente kung saan madami ang naitatalang namamatay dahil sa kawalan ng helmet.

Ayon sa alkalde na bibigyan ng citation ticket ang mga mahuhuling motorista na lalabag sa batas at mai-impound naman ang mga motorsiklo kung bigong magpakita ng papeles at lisensiya ang isang driver nito.

-- ADVERTISEMENT --

Bukod dito, mahaharap din sa kaukulang parusa ang mga magulang na mag-aangkas ng kanilang mga baby sa motorsiklo maging ang mga magulang na pinapayagan ang mga anak na menor-de-edad na magmaneho ng motorsiklo.

Tinig ni Mayor Carmelo Villacete

Samantala, sinabi ni Villacete na maayos at maluwag na ang mga pangunahing kalsada sa nasasakupang bayan at natapos na ang isinasagawang road clearing operation.

Ayon kay Villacete, agad tumalima ang kanyang opisina nang ipag-utos ni pangulong Rodrigo Duterte ang paglilinis sa mga kalsada.

Aniya, kanyang sinulatan ang mga nagmamay-ari ng establishimento maging ang mga kabahayan na apektado ng clearing operation na boluntaryong tanggalin na ang mga ipinatayong establishimento.

Sinabi ni Villacete na nagbigay ang kanyang opisina ng financial assistance sa mga naapektuhang residente bilang tulong.