Pansamantalang sinuspindi ni Tuguegarao City Mayor Jefferson Soriano ang implementasyon ng “No Helmet, No Travel Policy” sa lungsod.
Ito’y kasunod ng umanoy banta ng pag-atake ng Islamic State in Iraq and Syria (ISIS) sa Northern Luzon kabilang ang Tuguegarao City na una nang pinabulaanan ng Armed Forces of the Philippines.
Batay sa inilabas na joint statement ng alkalde at Tuguegarao City- PNP, suspendido muna ang “No Helmet, No Travel Policy” hanggang Agosto 20, 2019 habang bineberipika ang ulat sa umanoy banta ng ISIS sa lungsod.
Nilinaw ng alkalde na maaari pa ring gumamit ng helmet bilang proteksyon.
Mahigpit din na ipinagbabawal ang paggamit ng backpacks sa lahat ng aktibidad sa selebrasyon ng Afi Festival ngayong Linggo.
Hiniling ng alkalde ang kooperasyon ng mamamayan na magsumbong sa mga otoridad sa mga kahina-hinalang tao na makakasira sa katahimikan ng lungsod.
Inatasan na ng alkalde ang pulisya na imbestigahan at kasuhan ang mga nagpapakalat ng maling impormasyon sa social media hinggil sa pag-atake ng ISIS na nagdudulot ng takot sa publiko.
Pinasinungalingan rin ni P/Lt./Col George Cablarda ang kumakalat sa social media na pag-check in ng mga dayuhang terorista sa isang hotel sa lungsod.
Sa kabila nito, tiniyak ni Cablarda ang dagdag pwersa ng kapulisan para sa kaligtasan ng mga lalahok at makikiisa sa taunang selebrasyon ng AFI festival ngayong taon.
Maghihigpit pa rin ang pulisya sa mga checkpoint at pagsusuri sa mga dalang bag ng mga makikilahok sa Afi festival upang masiguro ang kaligtasan ng publiko.
Pinawi naman ni Cablarda ang pangamba ng publiko sa terror attacks dahil wala silang namo-monitor na indikasyong magkakaroon ng banta ng terorismo sa lungsod.