Mariing pinabulaanan ng Commission on Elections (COMELEC) ang kumakalat na maling impormasyon sa social media na nagsasabing hindi makakaboto ang mga walang dalang National ID sa halalan sa Mayo 12, 2025.
Ayon sa tagapagsalita ng COMELEC na si Atty. John Rex Laudiangco, peke at hindi opisyal ang mga post na may “NO NATIONAL ID, NO VOTE,” at walang ganitong abiso mula sa kanilang tanggapan.
Nilinaw ni Laudiangco na tanging kung may pagdududa sa pagkakakilanlan ng isang botante batay sa Election Day Computerized Voters’ List (EDCVL) ay saka lamang hihingan ng valid ID.
Pinayuhan din niya ang publiko na suriin muna ang pinanggagalingan ng impormasyon at huwag basta-basta maniwala sa hindi beripikadong mga post online.