Umapela si Tuguegarao City Mayor Jefferson Soriano sa mga residente sa lungsod na sumunod sa polisiya kaugnay sa “No Segregation, No Collection Waste Managment” na magsisimula sa July 1.

Ayon sa alkalde, hindi kokolektahin o hahakutin ng mga garbage collector ang mga basurang hindi naihiwalay sa nabubulok at di-nabubulok.

Ito ay bilang pagsunod sa implementasyon ng RA 9003 o Ecological Solid Waste Management Act sa wastong pangangasiwa ng basura.

Matatandaang una nang ipinatupad ang waste segregation scheme sa mga bahay-kalakal sa lungsod.

Samantala, hinikayat rin ni Mayor Soriano ang publiko na kuhanan ng litrato at ipadala sa pamahalaang panlungsod ang mga nagtatapon ng basura sa ilog at tabi ng lansangan.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi pa ng alkalde na may mga nahuli nang nagtatapon ng basura sa Pinacanauan river na nahaharaap sa kaukulang kaso.

—with reports from Bombo Eliseo Collado