TUGUEGARAO CITY-Paiigtingin na sa lungsod ng Tuguegarao ang pagpapatupad ng “No Segregation, No Collection Policy” ng mga basura sa Mayo 16 ngayong taon.
Ito ay bilang tugon sa Solid Waste Management Act para sa maayos at malinis na kapaligiran.
Binigayang diin ni Tuguegarao City Mayor Maila Ting Que ang kahalagahan ng responsableng pagtatapon ng basura dahil sa ngayon ay masyado ng puno ang dump site ng lungsod at may natanggap na rin silang kautusan na dapat nang maaksyunan ito dahil maaari itong ipasara anumang oras.
Kaugnay nito ay pinulong ng alkalde ang lahat ng mga barangay information officers kasama ang iba pang opisyal ng barangay sa lungsod upang ipaliwanag ang mga polisiyang dapat nilang ipaabot sa kanilang mga residente.
Nakapaloob sa inilabas na polisiya ng Pamahalaang Panlungsod na mula Mayo 16 ay paiiralin ang pangongolekta ng mga biodegradable waste o mga nabubulok na basura sa mga araw ng Lunes, Miyerkules at Biyernes.
Ang mga non biodegradable waste o hindi nabubulok at mga residual waste ay kokolektahin sa mga araw ng Martes at Huwebes habang ang mga special waste naman ay kokolektahin tuwing araw ng Sabado.
Ipatutupad na rin sa lungsod ang pagkakaroon ng sariling compost pit ng mga residente upang dito nila itapon ang mga basurang mabilis na mabulok.
Ipapatupad din ito sa mga establishimento bilang tugon sa guidelines ng Department of Health, Department of Environment and Natural Resources at ng Environmental Managment Bureau.
Sinabi ni Mayor Que, mayroon silang nakita na lugar na maaari sanang gawing dump site ngunit masyado itong mahal sa halagang P500M kaya nagpatulong na sila sa DENR at EMB upang makahanap ng lugar na maaaring pagtapunan ng mga basura.
Ipinunto rin ng alkalde na dapat ding paigtingin ng bawat barangay ang kanilang information campaign upang maipabatid ang mga polisiyang dapat na malaman ng publiko dahil sa oras na umarangkada na ang pagpapatupad sa nasabing hakbang ay ay magpapataw ng mga multa sa sinumang lalabag.
Katuwang sa mga magpapatupad ng panuntunan ay ang pulisya sa lungsod kung saan nakasaad sa umiiral na ordinansa sa Tuguegarao na ang sinumang hindi sumunod sa Environmental Code ng lungsod ay mapapatawan ng P1, 000 na multa sa unang paglabag, P2, 000 sa ikalawa at P3, 000 naman sa pangatlong paglabag na may kasamang community service.