Bantay sarado na ng mga otoridad ang Pinacanauan river at Cagayan river sa Tuguegarao City sa inaasahang pagdagsa ng mga tao sa ilog ngayong Semana Santa.

Partikular na nakaposisyon ang Water Safety, Survival, and Rescue (WASAR) team ng lungsod, katuwang ang Philippine Coast Guard sa mga ilog na sakop ang barangay Larion Alto, Tanza, Centro 1 at Cataggaman Viejo.

Muli namang pinaalalahanan ng City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) na mahigpit na ipinagbabawal ang paliligo sa ilog alinsunod sa ordinansa kaugnay sa NO SWIMMING POLICY.

Ito ay dahil sa presensya ng fecal coliform o bacteria sa tubig na galing sa dumi ng tao kung kaya delikado ang paliligo rito bukod pa sa posibleng insidente ng pagkalunod.

Samantala, nakaalerto na rin ang City Command Center para sa kanilang mas pinahigpit na monitoring sa buong lungsod, maging ang Traffic Management Group na nakaalalay naman para sa lagay ng trapiko sa isasagawang prusisyon.

-- ADVERTISEMENT --

Nakadeploy na rin ang hanay ng PNP at BFP sa iba’t-ibang mga strategic na lugar sa lungsod para naman sa kaayusan at seguridad katuwang ang mga Non-Government Organizations habang nakaantabay na rin ang mga medical team mula sa City Health Office at PGH.