Inihahanda na ng Tuguegarao City government ang isang Executive Order kaugnay sa paghihigpit sa border restriction ng lungsod na sisimulan ngayong May 25.
Ito’y matapos makapasok sa lungsod ang siyam na katao na galing sa Manila at Cavite, ngunit pagdating sa checkpoint sa lungsod ay sinabing galing umano ang mga ito sa Nueva Vizcaya at Isabela.
Sinabi ni Mayor Jefferson Soriano na pinaghahanap na ang mga ito dahil sa pagsisinungaling sa pagbiyahe sa lungsod sa kabila ng pinatutupad na paghihigpit sa mga border.
Batay sa mga nakuhang impormasyon, sinabi ng alkalde na naiwan sa lungsod ang ilan habang bumiyahe patungong Aparri at sa lalawigan ng Kalinga ang iba pa nilang kasamahan.
Sa kabila nito, iimbestigahan umano ang pagbiyahe ng sinoman sa lungsod lalo na ang mga galing sa mga lugar na may kaso ng COVID-19 at kung mapatunayan na nagkaroon ito ng kapabayaan ay mapapatawan ito ng disciplinary action.
Kaugnay nito, binabalangkas na ng city government ang EO kaugnay sa “No Travel Pass, No Entry” sa lungsod.
Sinabi ni Mayor Soriano na ang travel pass ay kukunin ng indibidwal sa munisipyo kung saan ito nanggaling bilang paraan upang matiyak na hindi basta-basta makakapasok ang sinoman sa lungsod lalo na sa may mga kaso ng virus, nang hindi dumadaan sa 14-day quarantine.
Bagamat naiintindihan ang hirap ng sitwasyon sa Manila, sinabi ni Mayor Soriano na kailangan itong ipatupad upang maiwasan ang local transmission ng virus.
Paliwanag ng alkalde, halos tatlong linggo nang walang naitatalang kaso ng virus sa Cagayan Valley Medical Center subalit huwag umanong magpakampante kung kaya nag-iingat ang lungsod sa mga pinapapasok bilang pag-iingat sa posibleng community transmission.
Lahat ng mga indibidwal na galing sa modified ECQ areas ay isasailalim sa 14-day quarantine sa quarantine facilities ng lungsod sa gastos ng LGU habang sa GCQ areas ay striktong home quarantine na imomonitor ng Barangay.
Samantala, inihayag ni Mayor Soriano na naghahanda na ang lungsod para tumanggap ng mga gustong umuwi sa ilalim ng Balik Probinsya Program.